Isang kwento ng tagumpay mula sa Iloilo.
Booming na ngayon ang laundry business ni Mark Vincent Fabresis, pero alam mo bang hindi ito ang unang negosyong pinasok nya?
Noong umpisa, si Mark ay may-ari ng simpleng internet shop. Kaya lang, nang sumikat ang smartphones, unti-unti silang nawalan ng mga customer.
Dahil dito, napilitan syang humanap ng ibang pagkakakitaan. Sakto naman, unti-unti nang sumisikat ang self-service laundry sa Maynila.
Wala pa nito sa Iloilo noon. Kahit punong-puno ng kaba, napagdesisyunan ni Mark na siya na ang mauuna. At nung 2016, nagbukas ang unang self-service laundry shop sa buong probinsya.
Pero hindi madali ang lahat. Dahil wala naman syang kapital, isinangla niya ang bahay niya para lang makabili ng dalawang washing machine.
Isang malaking sugal ito. Pero sabi nga niya, minsan, kailangan mong itaya ang lahat para matupad ang pangarap mo.
Sa article na ito, malalaman mo kung paano niya binuo ang ML Laundry mula sa wala, hanggang umabot sa 10 branches at 700+ installations.
At kung iniisip mo rin kung dapat kang magsimula ng isang laundry business, maaari mong mahanap ang inspirasyon dito.
Tulad ng pagbabago, hindi agad tinanggap ng mga tao ang self-service laundry noong una. Marami ang nagduda — yung iba may halo pang takot o kaba — dahil hindi ito ang nakasanayan nilang paraan ng paglalaba.
Noong una, kinailangan ni Mark magpaliwanag at kumbinsihin ang mga tao na subukan ito araw-araw. Para syang nagbebenta ng isang kakaibang ideya, hindi lang serbisyo.
Kasabay ng oras na nilaan niya sa pagkumbinsi sa mga tao na subukan ang kanyang serbisyo, dala nya rin ang stress ng isang mabigat na utang. Para maumpisahan niya ang kanyang laundry business, isinangla nya ang kanyang bahay.
Puno man si Mark ng kaba, hindi siya umatras. Ginawa niyang motivation ang takot para mas lalong pagbutihin ang negosyo.
Hanggang sa unti-unting dumami ang mga customer. Nalaman nilang maginhawa pala, at maganda ang resulta ng labada.
Doon na nagsimulang umikot ang kwento ng tagumpay niya. Mula sa dalawang laundry machines, naging sampu ang branches niya at naging LG dealer pa siya sa buong Region 6.
Kapag may tiyaga, may tagumpay. At para kay Mark, malaking tiwala rin sa Diyos at sa sarili.
Para kay Mark, isa lang ang batayan ng isang matagumpay na laundry business: dapat laging maganda ang resulta ng laba. Hindi sapat ang promo o bagsak-presyong serbisyo kung hindi malinis, mabango, at maayos ang damit ng customer.
“Babalik at babalik ang mga tao kung nasiyahan sila sa resulta. At kapag bumalik sila, dun talaga nagsisimula ang tunay na kita.”
Ito rin ang unang tinuturo ni Mark sa mga gustong magsimula ng sarili nilang laundry shop. Para sa kanya, ang sikreto sa kita, nagsisimula sa kalidad.
Hindi lang si Mark ang umasenso sa laundry business. Sa tulong ng kanyang karanasan, kaalaman at gabay, marami na ring nakapagsimula ng sarili nilang laundry business.
May mga kliente syang nagsimula sa isang branch. Pero pagkalipas ng panahon, meron na silang lima o pitong branches.
Katangi-tangi kay Mark na hindi siya nagdamot sa kaalaman. Hindi lang washing machine at installation ang serbisyo niya. Nagpapa-seminar din sya at tumatayong mentor para sa mga naglakas loob na magtayo ng sariling negosyo para siguradong handa sila.
Madami syang ibinabahagi. Hindi lang ang mga natutunan niya, kundi pati ang best practices na nakikita niya sa ibang matagumpay na kliente. Para sa kanya, kapag alam mong effective ang ginagawa mo, dapat mo itong i-share.
Pero hindi doon nagtatapos ang ambag ni Mark. Habang dumarami ang mga kliente nya, dumadami rin ang technicians na kinukuha niya para masigurong may support ang bawat shop.
Naglalaan sya ng oras para turuan at i-train ang mga ito, kaya may oportunidad rin para sa mga skilled workers. Sa bawat laundry machine na na-iinstall, may kasama dito na trabaho at oportunidad.
Hindi mapagkakaila kung bakit karapat-dapat ma spotlight si Mark at ang ML Laundry. Isa syang napakagandang halimbawa ng negosyo na gusto nating ipakita sa Tagumpay.
Yung hindi lang para sa sarili, kundi para rin sa iba. Negosyong may malasakit, negosyong may ambag sa kabuhayan ng iba at sa komunidad.
Hindi lang diskarte ang puhunan ni Mark. Sa bawat hakbang ng negosyo niya, dala niya ang tiwala, kababaang-loob, at malasakit sa kapwa.
Kahit siya na ang nagtuturo, hindi siya tumitigil sa pag-aaral. Ni minsan, hindi niya inangkin na alam na niya ang lahat. Nakikinig siya sa kwento ng kanyang mga kliente, at natututo rin mula sa kanila.
Para kay Mark, ang tunay na lider ay hindi lang nag uutos. Siya rin ang unang gumagalaw, unang tumutulong, at unang tumatanggap ng pagkukulang.
Dala niya ang lahat ng aral mula sa mga pinasok niyang negosyo bago ang laundry. At kasama dito ang lahat ng pagkakamali at tagumpay na pinagdaanan niya.
Ang tagumpay ni Mark ay hindi lang nagmula sa kanyang negosyo, kundi dahil sa tibay ng kanyang pananampalataya at malasakit sa ibang tao.
Ito ang mga halagang hindi agad-agad nakikita. Pero ito rin ang naging matibay na pundasyon ng lahat ng meron siya ngayon.
Hindi mo kailangang maghintay na makabuo ng isang milyong piso para makapagsimula. Sabi nga ni Mark, maliit man ang puhunan mo, puwede ka nang magsimula basta’t malaki ang iyong paniniwala.
Ang importante, may lakas ng loob kang simulan kahit maliit. At kapag tinutukan mo ito ng sipag at tiyaga, lalaki rin ang kita.
(Kung gusto mong marinig pa ang buong kwento ni Mark, panoorin mo ang video sa ibaba. Baka ito na ang hinihintay mo para simulan na rin ang sarili mong tagumpay.)
Si Mark Vincent Fabresis ay ang may-ari ng ML Laundry Equipment and Supply, isang nangungunang supplier ng matibay at mataas na kalidad na laundry equipment.
– Facebook. “ML Laundry Equipment and Supply”
facebook.com/mltechnicals/
Kung mayroon kang inspiring na MSME success story, o nais mong ibahagi kung paano ka namin natulungan sa pag-unlad, gusto naming marinig ito! Ibahagi ang iyong kwento sa amin at mag-inspire ng marami pang iba. Makipag-ugnayan na ngayon at ma-feature sa aming platform!