Bago pa man dumami ang branch ng Mang Inasal sa mga mall, bago pa nauso ang mga delivery app, matagal nang may mga food business na binabalik-balikan sa kanto — ang isang halimbawa ay ang mga Jolly Jeep.
Alas-onse pa lang, may pila na agad. Hindi sa Jollibee o sa KFC, kundi sa maliit na food truck na nagbebenta ng sisig, longganisa, o lumpiang shanghai. Naka-polo man o naka-sando, pare-parehong gutom at nagmamadali makakain bago bumalik sa trabaho.
“Yung pila? Umaabot minsan ng kalahating oras,” kwento ni Joey, na halos isang dekadang naging suki ng mga Jolly Jeep. “Kaya kami, 11:30 pa lang, baba na agad.”
May kanya-kanya rin siyang paborito. “Kay Mang Lirio ako sa umaga kung gusto ko ng almusal na medyo healthy, tulad ng tuna o itlog. Sa tanghali, kay Ate Alice — yung Sisig sa Rada. Pag Friday, monggo. Sa Jolly Jeep ko natutunan na Friday = Monggo Day.”
Simple lang ang ulam — tapa, itlog, gulay, liempo — pero para sa maraming empleyado, malaking bagay ito. Lalo na kung wala nang oras magluto bago pumasok.
“Pagod na ako pag-uwi, so hindi ko na kayang magluto ng pambaon kinabukasan, kayasa JollyJeep na lang ako bumibili. Mas mura rin. Yung natitipid ko, bumabalik sa pambili ng bigas o grocery sa bahay,” dagdag niya.
Makikita mo sa ganitong food business na hindi kailangan ng aircon o signage na may ilaw. Ang kailangan lang ay diskarte, tiyaga, at suking bumabalik araw-araw.
Ang kwento ng JollyJeep ay kwento rin ng maraming food service MSMEs mula karinderya hanggang sa lutong-bahay na binebenta sa Facebook group. Nagsimula sa pangangailangan, sa hilig, o minsan, sa simpleng tanong na “Anong pwedeng pagkakitaan ngayon?”
Maliit man ang pwesto, malaking kabuhayan ang naibibigay. Ganito ang lasa ng tagumpay. Isang kutsarang diskarte, dalawang dakot ng tiyaga, at isang pusong punong-puno ng “Kaya ko’to.”
Saan nga ba nagsisimula ang isang food business?Madalas, hindi ito planado. Hindi ito yung may malaking capital agad o detalyadong business plan. Minsan, isang tray lang ng lumpia para sa kapitbahay, o spaghetti sa birthday ng pamangkin.
Sa umpisa, lutong-bahay lang. Habang naglalabao naghahanda para matulungan ang anak sa module nya, may niluluto. Pagtapos na, ililipat sa lalagyan, pipicturan gamit ang cellphone at ipopost sa Facebook group. Pag may nag-order, may food business ka na! Yung iba, ginagamit ang 13th month pay. May iba naman, may pangangailangan na dapat punuan — nawalan kasi ng trabaho noong pandemic. At ano ang napiling negosyo? Isang kilong embutido, ilang pirasong bananacue, o isang bilaong pancit canton para sa merienda ng kapitbahay.
Kahit sa bahay lang niluluto at ikaw lang ang gumagawa ng lahat, bahagi ka na ng food business community ng Pilipinas. At kapag pinasok mo ito bilang kabuhayan, itinuturing ka nang parte ng lumalawak na sektor ng MSMEs— kahit nagsisimula ka pa lang.
Tandaan, hindi mo kailangan ng magarang logo o slogan para masabing may ambag ka sa lokal na ekonomiya. Ang mahalaga: may diskarte, may puso, at may suki.
At doon magsisimula ang tagumpay. Hindi sa laki ng puhunan, kundi sa lakas ng loob na sumubok.
Minsan, nauuna talaga ang ulam bago ang pangalan. Pero basta masarap ang pagkain at maganda ang serbisyo, tuloy-tuloy ang kwento
Malaki ang ambag ng food business sa mga MSME sa Pilipinas. Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), noong 2023, nasa 190,899 ang negosyo sa sektor ng Accommodation and Food Service Activities — halos 15.4% ng lahat ng MSMEs sa bansa.
Pero hindi lang ito numero. Ang bawat food business ay may kwento kung paano ito nakatulong para kumita, makaraos, at makapagbigay ng abot-kayang pagkain sa komunidad. Tara, silipin natin ang iba’t ibang anyo ng food service sa Pilipinas:
Lahat ng ito, kahit gaano kaliit, ay food business na may malaking papel sa kabuhayan at sa tagumpay ng MSMEs.
Maraming food entrepreneurs or negosyante sa Pilipinas ang nagsimula sa maliit, pero tumagal o lumago dahil sa tiyaga, galing, at pagmamahal sa lutong Pinoy. Akalain mo, minsa ang putaheng niluto lang para sa kapitbahay unti-unting naging kilalang food business.
Ang mga susunod na kwento ay patunay na kahit galing sa simpleng simula, pwedeng humantong sa tagumpay. Tulad ng karamihan, dumaan din sila sa panahon na ang bumibili lang ay suki, kaibigan, o kapitbahay.
Maliit man ang panimula, malaki at malayo ang maaaring marating. Kung ikaw ay may food business o balak palang magsimula, baka ito na ang inspirasyon na hinihintay mo.
Hindi mo kailangan ng aircon o sosyal na pwesto para magtagumpay sa food business. Minsan, isang magandang ulam lang ang puhunan (at syempre, mga suki na bumabalik araw-araw).
Sa gitna ng Makati, sa likod ng mga matataas na building at mamahaling kainan, matatagpuan ang mga Jolly Jeep. Para sa maraming empleyado, ito ang sagot sa araw-araw na tanong na, “Saan tayo kakain?”
Ang isa sa pinakasikat? Ang Sisig sa Rada.
May pila dito halos araw-araw, hindi lang dahil sa presyong abot-kaya, kundi dahil sa lasa ng sisig na paulit-ulit binabalikan.
Ayon sa Booky, ito ay itinuturing na isang pioneer sa industriya. Higit sa 30 taon na nagsisilbi ang Sisig sa Rada at bukod sa sisig, nag-aalok din sila ng iba pang lutong-bahay na ulam tulad ng laing at tapa. Hindi ito sosyal, pero solid ang lasa.
Patunay ito na kahit sa maliit na puwesto, basta’t masarap ang luto at maganda ang pakikitungo sa mga suki, pwede ka nang makabuo ng negosyo na tumatagal.
Hindi ito kwento ng overnight success. Ito ay kwento ng araw-araw na diskarte. At ‘yan ang tunay na lasa ng tagumpay.
Maraming food business ang nagumpisa sa isang simpleng ideya. Parang ang Potato Corner — french fries lang ito, pero may fl avor. Noong 1992, apat na magkakaibigan ang nagsama-sama at nag-ipon para makapagtayo ng maliit na food cart sa SM Megamall.
Ang target nila? Mga estudyante, mga batang mahilig sa chibog, at mga magulang na gusto ng mabilis at murang merienda. Pinatimplahan nila ang fries ng cheese, BBQ, sour cream, at dahil kakaiba ito noong panahong ‘yon, mabilis lumaki ang negosyo.
Sa loob ng tatlong taon, lagpas 100 na ang stalls nila sa Pilipinas. Umabot na din ito sa ibang bansa, tulad ng U.S., Hong Kong, at Dubai. Noong 2024, nasa mahigit 2,000 na ang branches ng Potato Corner sa buong mundo.
Para sa gustong pumasok sa food business, magandang halimbawa ito. Bukas sa franchising ang Potato Corner, kaya may pagkakataon ang mga bagong negosyante na magsimula gamit ang kilalang brand. Bonus pa na may sistema at kasamang suporta.
Mula sa maliit na cart, naging inspirasyon ito sa maraming food entrepreneurs. Patunay na kapag pinagsama ang tiyaga, diskarte, at malasakit sa customer, kahit simpleng merienda, pwedeng maging tagumpay na pang-worldwide.
Sa Bacolod, maliban sa MassKara Festival, ang pinupuntahan talaga ng tao ay pagkain. At sa mundo ng food business sa lungsod, dalawang pangalan ang lagi nang laman ng usapan: Sharyn’s Cansi House at Manokan Country.
Noong 1985, nagsimula si Delia Perez ng maliit na carinderia na may apat lang na mesa at pinangalan niya ito sa anak niyang si Sharyn. Ang specialty nila ay cansi, beef soup na parang pinagsamang bulalo at sinigang. Pero imbes na calamansi o sampalok, batuan ang gamit na pampaasim.
Dahil sa kakaibang lasa, dinarayo ang Sharyn’s ng mga taga-Bacolod at pati mga turista. Noong 2017, kasama pa ito sa Top 50 World Street Food Masters. Isang lutong-bahay na naging world-class sa mundo ng food service.
Kung legit na chicken inasal naman ang hanap mo, ang Manokan Country ang sagot. Dito mo matitikman ang inasal na may usok, may katas, at may sawsawang maalala mo habang-buhay.
Kahit kasalukuyang nirerenovate ang Manokan Country, patuloy pa rin ang food business ng mga nangungupahan sa pansamantalang pwesto nila sa SM City Bacolod. Kasi ang lasa, ang kultura, at ang diskarte, hindi nawawala kahit saan mo ilipat.
Ito ang kwento ng pagkaing may pusong Bacolodnon. Simpleng ulam, pero naguumapaw ang tamis ng tagumpay.
Ang matagumpay na food business ay hindi lang nakasalalay sa lutong ulam. Para sa maraming negosyante, ang tagumpay ay galing sa araw-araw na diskarte — sa bawat desisyon mo sa kusina, sa budget, sa oras, at sa serbisyo.
Narito ang ilang aral mula sa maliliit na food business na nagsimula sa bahay, sa food court, o sa catering. Iba-iba man ang kwento, pare-pareho silang may bitbit na tiyaga at tunay na malasakit.
Hindi laging madali ang magpundar ng food business.
Maaga ang gising, mainit sa kusina, at madalas, kailangan mong pagsabayin ang pagluluto, pag-aasikaso ng order, at pag-deliver. Pero sa bawat pagkain na inihahain, may pamilyang naaalagan, may suking nabubusog.
Marami sa mga MSME sa Pilipinas ay bahagi ng food service sector — mga karinderya, food cart, online seller, o catering na nagsimula lang sa simpleng tanong na, “Paano kaya kung subukan ko?”
Hindi mo kailangan ng malaking puhunan o sosyal na pwesto para matawag na matagumpay. Minsan, sapat na ang masabihan ng, “Ang sarap ng luto mo!” o ang batang nag-aabang ng paborito niyang ulam tuwing uwian.
Kung ang kita ay may halong pagmamahal at diskarte, tagumpay na rin ‘yon.
Kaya kung nagsisimula ka ng food business (o nag-iisip palang kung susubok ka), tandaan: hindi ka nag-iisa. Sa lutong bahay ka man mag-umpisa, pwedeng maging lutong tagumpay ang kwento mo.
– Department of Trade and Industry. “2023 Philippine MSME Statistics.”
Accessed May 16, 2025.
– Bacolod Lifestyle and Travel Guide. “Manokan Country: A Fusion of Tradition and Progress in Bacolod City.”
Accessed May 16, 2025.
– Daily Guardian. “Demolition of Old Manokan Country Site Begins.”
Accessed May 16, 2025.
– GMA News Online. “DOT: Sharyn’s Kansi Nod A Validation Of NegOcc’s Rich Culinary Tourism.”
Accessed May 16, 2025.
– Sunstar. “Sharyn’s Cansi: World-Class Beef Soup.”
Accessed May 16, 2025.
I-explore ang iba’t ibang business suppliers sa buong bansa at hanapin
ang tamang partner para sa iyong pangangailangan sa
paglago ng iyong negosyo.
Bumisita na sa aming directory ng mga trusted suppliers ngayon at i-level up ang iyong business operations!
Kung mayroon kang inspiring na MSME success story, o nais mong ibahagi kung paano ka namin natulungan sa pag-unlad, gusto naming marinig ito! Ibahagi ang iyong kwento sa amin at mag-inspire ng marami pang iba. Makipag-ugnayan na ngayon at ma-feature sa aming platform!