May kausap kaming tindera nung minsan. Nag-umpisa siya ng maliit na lugawan sa tapat ng bahay nila sa Cavite, gamit ang ₱500 puhunan at kalderong hiram sa kapitbahay.
“Hindi ko nga alam kung negosyo na ‘to,” sabi niya, “pero ang sarap sa pakiramdam tuwing may suking nagsasabing, ‘Ang sarap ng lugaw mo, Ate.’ Parang tagumpay na rin ‘yun, ‘di ba?”
At sa totoo lang, oo — tagumpay nga ‘yun.
Dahil ang tagumpay, hindi lang tungkol sa laki ng kita o dami ng empleyado. Minsan, ito’y tungkol sa simpleng pagkakaraos. Sa diskarte. Sa araw-araw na pagpupursige.
Diyan papasok ang Tagumpay, isang e-zine na ginawa para sa mga tindera, manininda, home-based baker, delivery rider, mekaniko, online seller, sari-sari store owner. Sa madaling salita, para sa lahat ng MSME (micro-, small-, and medium-sized enterprises) na kayod-kalabaw pero kapit lang sa pangarap.
Ang Tagumpay ay para sa mga taong gaya mo. Yung may malaking hangarin at seryoso sa pangarap, kahit simpleng negosyo lang ang hawak.
Dito, pag-uusapan natin ang mga bagay na dapat alam ng bawat negosyante. Mula sa tamang paghawak ng kita, hanggang sa mga simpleng tip para dumami ang suki.
Wag kang mag-alala. Hindi mo kailangan na nakapagtapos ka ng business course para maintindihan ito.
Makakahanap ka din ng sari-saring kwento. Ang pinagmulan at karanasan ng mga ibang MSME na tulad mo. Mga nagsimula sa wala, pero unti-unting umaangat.
Kung nagsisimula ka pa lang, ayos lang. Wala kang kailangang patunayan. Ang mahalaga ang may pangarap ka. At, ang mas importante, may balak kang kumilos para matupad ito.
Ang Tagumpay ay nandito para samahan ka. Hindi para sabihing “Ito lang ang tamang paraan”, kundi para ipakita na may iba’t ibang daan patungo sa tagumpay.
Kaya kung naghahanap ka ng simpleng gabay na sakto sa araw-araw mong realidad, welcome ka dito. Simula pa lang ‘to.
Hindi lang lagi laki ng kita ang sukatan ng tagumpay.
Minsan, nararamdaman ito sa mga simpleng bagay, tulad ng suking bumabalik, yung “Salamat po” sabay ngiti, o yung araw na hindi ka nagkulang sa baon ng anak mo.
Hindi mo kailangang maging milyonaryo para masabing nagtagumpay ka. Minsan, sapat na ang tahimik na buhay. ‘Yung hindi ka na nangungutang sa kapitbahay, o ‘yung may pambayad ka sa kuryente kahit matumal ang benta.
Madalas, ‘yang simpleng ginhawa ay galing sa maliit na negosyo. Minsan pa nga, ‘di mo namamalayang negosyo na pala ‘yon.
Kadalasan, dala ng pangangailangan. Pero minsan, nag-umpisa sa hilig. O yung iba nagkakaroon ng tamang panahon at pagkakataon.
Akalain mo, may tinulungan lang dati — ngayon, may negosyo na.
Magandang halimbawa ang isang misis sa Cavite na mahilig sa kimchi. Para makatipid, bumili siya ng 10kg box at nirepack ito at pinost sa FB group ng magkakapitbahay. Akala niya panlibre lang sa sarili, pero lumaki ito — ngayon, may suki na nya ang buong barangay.
May mag-asawang namang parehong dating service crew sa food court. Walang degree, pero marunong magluto. Unti-unting nag-ipon ng pantayo ng maliit na catering service. Ngayon, sila na ang kinukuha sa mga kasal sa barangay hall.
May isang lolo na dating tricycle driver. Nung nagka-pandemya at humina ang pasada, bumili siya ng pre-loved na bisikleta at nag-apply bilang delivery rider. Hindi man kalakihan ang kita, pero sapat para sa gamot nya at gatas ng apo.
May tindera ng school supplies na nagsimula, gamit ang isang lumang mesa’t dalawang estante. Ngayon, may maliit na syang puwesto sa palengke. Dun sya hinahanap ng mga estudyante na laging bumabalik para bumili ng pad paper, ballpen, lapis at eraser.
Saan ka man nagsimula, MSME ka pa rin. At laging tandaan na may saysay ang negosyo mo, online man yan, food business, sari-sari store, o pagdedeliver.
Ang tagumpay ay hindi lang trophy na nakadisplay o headline sa balita.
Minsan, tahimik lang siyang dumarating sa anyo ng respeto, sa lakas ng loob, o sa araw-araw mong pagpupursige.
Walang iisang itsura ang tagumpay. Iba-iba ang anyo. Iba-iba ang kwento.
Pero pare-parehong humahangad ng marangal na kabuhayan at mabigyan ang pamilya ng magandang buhay.
At sa bawat unang hakbang, bawat araw ng pagkayod, bawat pagkakataon na naiisip mong “kaya ko pala” — doon mo makikita ang tunay na tagumpay.
Pag sinabi mong “negosyo,” ang unang naiisip ng marami ay mga malalaking kumpanya. ‘Yung may billboard sa EDSA, aircon sa opisina, o sariling building sa Makati.
Pero ang totoo, halos lahat ng negosyo sa Pilipinas ay MSME.
Ayon sa DTI, 99.6% ng rehistradong negosyo sa bansa ay micro, small, at medium enterprises, tulad ng mga tindahan sa kanto, food business sa palengke, o service shop sa tabi ng eskinita. Sila ang patuloy na nagpapagalaw sa ekonomiya sa araw-araw.
Pero hindi lang kita ang naibibigay ng MSME sa mga entrepreneur o negosyante. Sa tuwing may nabebenta, may natutulungan din. Sa bawat serbisyo naibigay, may nasusuportahan.
MSME din ang bumubuhay sa ibang MSME.
Kapag may sari-sari store, kailangan niya ng supplier. Kapag may nagtitinda ng pagkain, kailangan niya ng tricycle na magde-deliver. Kapag may maliit na catering outfit, pupunta ‘yan sa local printing shop para magpagawa ng menu o flyers.
Dahil dito, ang MSME ay hindi lang contributor. Tagapag-ikot din sila ng pera, tagalikha ng trabaho, at tagasuporta ng kapwa MSME.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, 67% ng mga empleyado sa bansa ay nagtatrabaho sa MSME. Sabi naman sa isang report ng Foxmont Capital Partners, halos 40% ng kabuuang kita ng ekonomiya (GDP) ay galing sa kanila.
Pag sinabing MSME, hindi lahat ay may DTI registration o barangay permit. May mga nagsisimula pa lang. May mga di pa alam kung paano magsimula.
Pero kahit ganun, may ambag pa rin sila. Bumibili ng produkto. Gumagamit ng serbisyo. Nakakapagpaikot ng kita sa komunidad.
Tingnan natin ang mga sektor na bumubuo sa karamihan ng mga MSME sa Pilipinas. Baka mahanap mo ang para sayo.
Makikita mo na kahit iba-iba ang linya ng negosyo, iisa ang direksyon — ang makatulong sa pamilya, makasabay sa gastos, at kung maaari, umangat-angat nang kaunti ang buhay.
Kaya kung ikaw ay may ideya, hilig, o gustong subukan, nandito ang Tagumpay para gabayan ka. Hindi kailangang malaki ang simula. Ang mahalaga, nagsimula ka.
Simple lang. Andito kami para tulungan kang magka-idea, magka-linaw, at magka-lakas ng loob sa pagnenegosyo. Para ito sa mga seryoso sa kanilang mga pangarap, kahit maliliit na hakbang palang ang ginagawa.
Dito, makakabasa ka ng mga kwento ng totoong tao — mga negosyanteng gaya mo, na may sariling diskarte, tiyaga, at saya.
Maaaring makita mo ang sarili mo sa mga pinagdaanan nila, at baka mahanap mo rin ang sagot sa mga tanong mo. Baka may diskarte silang nasubukan na pwede mo din subukan sa sarili mong tindahan, o aral na makakatulong sa iyo bago ka pa magkamali.
Mayroon ding mga tips tungkol sa kung paano mag-umpisa, magpalago, o mag-manage ng negosyo. Ang maganda, hindi ito galing sa textbook, kundi mula sa kapwa MSME. Ang mga taong dumaan na sa parehong proseso, at natutong dumiskarte sa tunay na mundo ng negosyo.
May mga gabay rin. Kung gusto mo nang magparehistro ng negosyo, tutulungan ka naming maintindihan kung kailan, paano, at saan. Step-by-step naming gagawin at ipapaliwanag sa simpleng paraan. Hindi mo kailangan ng maraming oras—basta malinaw ang hakbang, mas madali nang kumilos.
Hindi rin mawawala ang mga topic na dapat talagang pinag-uusapan:
May mga resources na nakaabang. Impormasyon, contacts, at iba pang tulong na swak sa MSME. Halimbawa, kung naghahanap ka ng truck para sa deliveries o supplier ng packaging, may listahan dito ng pwedeng i-contact.
At higit sa lahat, may komunidad kang matatagpuan dito. Isang espasyo kung saan pwedeng magtanong, magbahagi, o makipagkwentuhan. Kung gusto mo lang muna makinig sa usapan, ayos lang din.
Pero dito, asahan mong walang maling tanong, at walang maliit na kwento. Gumagaan kasi ang laban kapag may kasama ka na nakakaintindi ng pinagdadaanan mo — kapag alam mong hindi mo tinatahak ang daan nang mag-isa.
Ang Tagumpay ay para sa mga gustong magsimula, gustong magpalawak, at minsan, gustong magsimula ulit.
At kung binabasa mo ito, malamang isa ka sa kanila. Kaya’t kahit nasaan ka man sa negosyo mo ngayon — simula, paglago, o muling pagbangon — kasama mo ang Tagumpay.
Kasama Mo ang Tagumpay
Ang daan patungo sa tagumpay bilang isang MSME ay hindi palaging tuwid. Kadalasan may kasamang kaba. Minsan may kulang. Minsan, di maiwasang maligaw.
Pero sa bawat hakbang, lagi kang may pag-asa. Laging may mahahanap na posibilidad.
Dito sa Tagumpay, hindi mo kailangang mag-isa. Narito kami para sumama — hindi para manguna, kundi para sabayan ka.
Sa bawat artikulo na ilalathala, sa bawat kwento na ibabahagi, nais naming matulungan ka na mapalapit sa sariling mong tagumpay. At kung minsan, sapat na ang isang tanong na nasagot, o isang kwento na naka-relate ka, para makabuo ka ng bagong diskarte.
Kaya’t kung gusto mong matuto, magtanong, o makinig lang muna — welcome ka dito. Ang mahalaga, hindi ka humihinto.
Sa mga susunod na article, mapag-uusapan natin kung paano mag-track ng benta — at okay lang, kahit ballpen at notebook lang ang gamit mo.
Magkakaroon din tayo ng pagkakataon na mas kilalanin ang iba’t-bang sektor ng mga MSME. Kaya’t kung interesado ka magkaroon sari-sari store or nag-iisip na magsimula ng food business, madami kang matutunan dito..
Kung gusto mo na laging updated ka sa mga bagong lalabas, mag-subscribe ka. I-follow mo kami para sa mga tips, paalala, at inspirasyon na maaari mong gamitin sa negosyo mo araw-araw.
Hindi mo kailangang gawin lahat ngayon. Pero pwede kang magsimula sa isang simpleng bagay: Basahin ang susunod na kwento. Baka kwento mo na ‘yon.
I-explore ang iba’t ibang business suppliers sa buong bansa at hanapin
ang tamang partner para sa iyong pangangailangan sa
paglago ng iyong negosyo.
Bumisita na sa aming directory ng mga trusted suppliers ngayon at i-level up ang iyong business operations!
Kung mayroon kang inspiring na MSME success story, o nais mong ibahagi kung paano ka namin natulungan sa pag-unlad, gusto naming marinig ito! Ibahagi ang iyong kwento sa amin at mag-inspire ng marami pang iba. Makipag-ugnayan na ngayon at ma-feature sa aming platform!