Sa bawat byahe namin sa mga probinsya, may mga eksena na palaging bumabalik sa isipan ko. Si manang na may tindahan sa palengke. Isa siyang wholesaler at inaayos niya ang mga maraming niyang paninda kung saan namimili sa kanya ang mga sari-sari stores mula sa iba’t-bang mga barangay.
Si manong na may-ari ng motorcycle repair shop, inaayos ang mga imbentaryo ng gulong at accessories. Naka-pila ang mga nagpapa-repair sa kaniya ng kanilang motorsiklo.
O kaya yung isang laundry shop owner na sunod-sunod niyang kini-kilo ang mga labadang ibinagsak sa kanya simula pa kaninang umaga. Isang may-ari ng karenderiya tuloy-tuloy ang pagsilbi ng kanyang mga lutuin dahil punong-puno siya ng mga kumakain.
Napapaisip ako. Para saan ba talaga ang lahat ng ginagawa nila? Para saan ang pagod, diskarte, at ang pagpupursige araw-araw? Habang nakikita ko ang mga ito, lumilinaw ang sagot…
Sa mga taong hindi sumusuko kahit kapos, nakikita sa kanila ang pagpupursige. Sa mga may pangarap sa kanilang pamilya, punong-puno sila ng determinasyon at sigla. Sa mga taong gustong mabuhay ng may dignidad at pag-asa, kahit simpleng hanap-buhay, sapat na bilang puhunan.
Sa kanila ko naintindihan kung ano ang TUNAY na TAGUMPAY. At kung ipagsama-sama natin ang bawa’t isang TAGUMPAY NG MGA ORDINARYONG PILIPINO, ito ang mag-bubuo ng kaunlaran ng Pilipinas na maari nating ipagmamalaki sa buong mundo.
Bago pa man nabuo ang Tagumpay Negosyo at Buhay Magazine, may paniniwalang gumagabay sa Radiowealth Finance Company (RFC) na itinaguyod ng aming founder na si Domingo M. Guevara…
“The common folk should be given the chance to enjoy the good things and enhance their quality of life.
Ang bawat simpleng mamamayan, dapat mabigyan ng pagkakataong umasenso at guminhawa ang kanyang buhay. Ito ang paniniwalang dala-dala namin sa lahat ng aming ginagawa. Pinagtutuunan namin ng pansin ang iba’t ibang paraan kung paano kami makakatulong sa mga may mga pangarap na umunlad at magtagumpay.
Sinimulan namin ito para sa mga Pilipinong nangangarap pagandahin pa ang kanilang buhay. Naisipan naming gumawa ng isang magazine dahil nais naming ihayag ang mga iba-t ibang KUWENTONG-TAGUMPAY ng mga ordinaryong Pilipino upang magsilbing inspirasyon sa mga iba.
Nais naming ipamahagi sa mga nangangarap magtayo ng negsoyo na hindi imposible ang pag-asenso. Para sa mga simpleng tao na gustong magumpisa ng maliit na negosyo pero hindi alam kung paano o saan magsisimula, ang mga kwento mula sa mga matagumpay na mga negosyante ang maaring magsilbing gabay sa kanila. Tulad nila, nagsimula rin silang kulang sa kaalaman. Tanging tibay ng loob, sipag, at determinasyon ang naging patunay ng kanilang tagumpay.
Maraming nais magkaroon ng negosyo na may sipag at determinasyon, pero kulang o walang makuhang gabay. Hindi sila madaling maka-access ng training, seminars, o mentorship. Kailangan lang nilang marinig na may ibang taong kagaya nila na nagtagumpay. Iyon ang layunin ng magazine
Isang espasyo na maaarig pagkunan ng mga kwento, tips, at inspirasyon na madaling basahin, madaling maunawaan, at maaaring matutunan ng sinumang may pangarap. Dahil naniniawala kami na ang pinaka epektibong paraan upang maturuan sila ay mula sa mga kuwentong ng mga subok ang matagumpay ng mga negosyante
Nais naming ipakita na ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa laki ng iyong puhunan, kinita o laki ng iyong negosyo. Para sa amin, ang tunay na tagumpay ay kung paano mo pinipiling lumaban, lalo na kapag humihirap ang sitwasyon. Kung paano ka bumangon kahit ilang beses kang nadapa.
Sa bawat pusong Pilipino, mahahanap mo ang mga VALUES na nagbibigay daan sa tagumpay.
Tiwala sa Diyos, sipag at tiyaga, tapang, at malasakit — ang mga pinamana sa ating mga magulang, lolo, at lola. At hanggang ngayon, ito pa din ang pinanghahawakan ng maraming maliliit na business owners at negosyanteng Pinoy.
Dito sa Tagumpay Magazine, nais naming ibahagi ang mga kwento ng tagumpay. Ang kwento ng mga sari-sari store owner, mga rider, at magsasaka. Isama na din natin ang mga nagtitinda ng mga kakanin sa kanto o may-ari ng karinderia, mga tatay at nanay na nagsusumikap ng maliit na negosyo sa harap ng bahay. Dahil sa bawat kwento, merong magandang aral at inspirasyon. At sa bawat aral, may dagdag kaalaman. Sa bawat inspirasyon, nagbibigay ng pag-asa.
At higit sa lahat, pinapakita nito na hindi imposible ang tagumpay para sa karaniwang Pilipino. Yun ang gusto naming ibahagi. Mga kwento na magtuturo, magbibigay ng lakas, at magpapatunay na kung kaya nila, kaya mo rin.
Naniniwala kami na ang bawat Pilipino ay maaaring magtagumpay.
Minsan, konting gabay o inspirasyon lang ang kailangan para makapagsimula. Tinatag namin ang Tagumpay Magazine para samahan ka sa iyong paglalakbay. Isang partner na magbibigay ng mga kwento, kaalaman, at katatagan. Gusto naming tumulong sa pag-abot ng mga simpleng pangarap, upang mabigyan ng buhay ang mga ideya. Tungkol ito sa mga tulad mong lumalaban araw-araw para sa pamilya, para sa kinabukasan. Sa mga kagaya mong hindi sumusuko.
KUNG KAYA NILA, KAYA MO RIN.
At nandito kami para ipaalala sa’yo ‘yan. Samahan niyo kami. Magbasa. Matuto. Magtagumpay.
At sana, sa darating na panahon, maibahagi mo ang Kuwento ng iyong Tagumpay dito sa magazine na ito.
Kung mayroon kang inspiring na MSME success story, o nais mong ibahagi kung paano ka namin natulungan sa pag-unlad, gusto naming marinig ito! Ibahagi ang iyong kwento sa amin at mag-inspire ng marami pang iba. Makipag-ugnayan na ngayon at ma-feature sa aming platform!